PAGKAKAISA PARA SA PAG-UNLAD NG PAMAYANAN: Ramdam ng mga residente ng Ilocos Sur ang pagkakaisa ng ibat-ibang sangay ng gobyerno dahil sa mga programang naipapatupad na higit na nakatutulong sa kanila.
Nitong Sabado, pinangunahan ni Provincial Director Joel Pilotin mula sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA ang pamimigay ng starter toolkits sa mga nagsipagtapos ng iba’t ibang pagsasanay sa pamamagitan ng Special Training for Employment Program (STEP) ng TESDA.
Kasama niya sa pagtitipon sina Second District Representative at Deputy Speaker Kristine Singson, Candon City Mayor Eric D. Singson, Candon City Vice Mayor Kristelle Singson, gayun din si Miss Haidee Pestilos mula sa Syglat Training and Development Center, Inc.
Ani Deputy Speaker Singson, ipagpapatuloy niya ang pagsuporta sa STEP sapagkat nakikita niya kung gaano kahalaga ang pagpapaunlad at pagpapalawak ng kakayahan ng mga Pilipino lalo na noong kasasagan ng pandemya na maraming nawalan ng trabaho at kabuhayan.
Aabot sa 186 na mag-aaral ang nagtapos sa iba’t ibang pagsasanay gaya ng Animal Production, Cake Making, Cookery NCII, at iba pa, at tumanggap ng ibat-ibang kagamitan na maaari nilang gamitin sa pagnenegosyo.